BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Monday, August 17, 2009

Kwento sa Filipino : "Tinong"

Tinong


Ni

Renz Marie R. Nollase

III – Saturn

Nagising si Tinong sa mabahong amoy ng kanal na dumadaloy sa ilalim ng kanilang pinagtagpi-tagping bahay sa tulay. Alas singko nanaman, kailangan niya nang bumangon at may trabaho pa siya. Sa kanyang pagtindig ay nauntog siya sa bubong ng kanilang bahay at dahil sa ingay ay nagising ang kaniyang mag-anak. “Ano ba naman yan ‘tay? Tulog pa ang mga tao, eh.” Ungol ni Tina, ikatlo sa labing-isa niyang anak. “Bumangon na kayo. Tina, Romer, may pasok pa kayo. At kayo namang mga bata, eh tutulong pa sa inyong nanay sa pagbebenta ng katsa ngayon.” Sabay-sabay na umungol ang mga ito ngunit nagsibangon na rin.

Nag-almusal sila ng mainit na kape at panis na tinapay. Dapat ay sanay na si Tinong sa ganoong almusal; panis na tinapay, jhamphong, at kung ano man ang mabili ng kanyang asawa sa pinakamurang halaga. Ngunit sa araw na iyon ay hindi tinanggap ng kanyang sikmura ang pagkain at ibinigay niya na lamang ito sa kanyang dalawang panganay. Matapos maligo at magsipilyo ay isinuot niya ang kanyang kupas na kamiseta na may tatak ng pangalan ng isang pulitikong umasang mahalal sa senado, na sa kasawiang palad ay pinatay bago pa man makapaglingkod sa bayan.

Humayo na siya papunta sa site na kanyang pinagtatrabahuhan. Masakit man ang likod sa pagtulog sa malamig at matigas na sahig ay naka-limampung sako ng semento si Tinong sa buong maghapon. “Martino! Martino Alvares!” sigaw ng intsik na tagapamahagi ng kanilang mga suweldo sa araw na iyon. “Sir, nakalimampung sako ‘ho ako ngayon.” “ Anong limampung sako?! Naka-tatlumpo’t lima ka lang!” sigaw ng matabang intsik sa kanyang mukha. At ibinigay sa kanya ang sobre na may lamang sisenta y siete pesos. Magsasalita pa sana si Tinong ngunit natakot siyang baka bawasan pa ng malupit na intsik ang kanyang kita.

Umuwi siyang pagod at gutom. Wala nanaman silang panghapunan bukas. Bumili siya ng dalawang lata ng sardinas at isang kilong bigas. Nang makauwi ay nagsaing siya ng kanilang hapunan. Ubos ang laman ng kaldero, kahit ang mga tutong ay nasimot ng kanyang pamilya at kitang sila’y gutom pa ngunit wala na silang pambili pa ng pagkain. Higpit sinturon nanaman sila.

Tulog na ang mga bata ngunit gising na gising pa rin si Tinong. Nagkukumpuni ng mga ipinapaayos sa kanyang mga simpleng kagamitan. Tinabihan siya ng kanyang asawa sa lamesa at inayos ang mga nagkalat na kable at kung anu-ano pa sa ibabaw niyon.

“O, ano naman ang iyong problema aking asawa? Kilala kita, naglilinis ka kapag hindi ka mapakali.” Nakangiting sabi ni Tinong at nilambing-lambing ang kanyang asawa.

“Huwag Tinong, may dapat ako sa’yong sabihin.” Tumigil si Tinong sa paghalik sa balikat ng kanyang asawa at hinintay kung ano man ang sasabihin nito.

“Tinong, buntis nanaman ako.” Nabitiwan ni Tinong ang hawak hawak na alambre.

“Ano?! Buntis ka nanaman. Akala ko ba ay nagpa- laygeyt ka na sa barangay.”

“Dapat sana Tinong, pero isandaan lamang daw ang pwedeng magpa-opera. Hindi ko naman pwedeng pabayaan si beybi kaya nahuli ako sa dating.” wika ni Ada.

“ Buwisit naman! Hindi natin kakayanin ang isa pang bata, Ada.”

“Sa tingin mo ba ay hindi ko ‘yan alam Tinong?! Kaya nga ako namomroblema ngayon.” Maluha-luha na si Ada dahil sa panunumbat ng asawa.

“May kilala si Pareng Ato. Tinulungan sila nang magkaroon sila ng parehong problema. Baka matulungan niya rin tayo.” Suhestyon ni Tinong habang hinihimas ang baba.

“Si Maring ba ang sinasabi mo Tinong? iyong manlalaglag? Ano ka ba Tinong? Bakit naman iyan pumasok sa iyong utak? Matakot ka sa Diyos Tinong. Matakot ka sa Diyos.” Sumbat ni Ada sa kanyang asawa.

“Diyos? Diyos?! Anong Diyos Ada? Anong Diyos ang nagpapabaya sa mga nangangailangan sa kanya? Anong Diyos ang nagbibigay ng buwisit na buhay na ito?!” nakita ni Tinong na nasaktan ang kanyang asawa sa kanyang mga sinabi.

“Ganun’ ba ang tingin mo sa buhay natin Tinong?” naggising ang isa sa mga bata sa pag-aaway ng mag-asawa.

“’Nay, ‘tay, nag-aaway po ba kayo?” inaantok man ay tanong pa rin ni Arnel.

“Hindi anak, matulog ka na, maaga pa tayo bukas sa luwasan.” Pinahid ni Ada ang kanyang luha at tumabi sa anak sa pagtulog.

Paggising ng mag-anak ay wala na si Tinong, umalis na patungo sa kanyang trabaho.

Pinag-igihan ni Tinong ang pagtatarabaho. Naka-apatnapung sako siya ng umaga pa lang na iyon. Habang nanananghalian ang mga kasamahan niyang trabahador ay patuloy pa rin si Tinong sa pagtatrabaho. “Hoy! Tinong! Parang ang sipag natin ngayon, ah!” sabi ni Kokoy habang nginunguya ang ulam na tuyo. “Kailangan kong magpursigi ‘Koy. Gagraduate na si Romer ngayong taon. Matustusan ko lang ang pag-aaral nila ni Tina ay ayos na ako. Mababawasan na ang aking problema.” Wika ni Tinong habang pinupunas ang namuong pawis sa kanyang noo. “Narinig mo iyon Kokoy? Ganyan ang magiting na ama!” sigaw ng misis ni Kokoy na nasa ibaba lamang pala at hinihintay ang kanyang asawa. Natawa na lamang silang lahat ng parang dagang nadakip ng pusang nanliit si Kokoy.

Sa araw na iyon ay naka-walumpong sako siya ngunit tulad ng dati ay umiral nanaman ang pagkasakim ni Mr. Ching at ang ibinigay sa kanya ay pang pitumpong sako lamang. Ngunit kalakip ng kanyang sweldo ay may isa pang sobre, tuwang-tuwa siya sa pag-aakalang binigyan siya ni Mr. Ching ng bonus.

“Maraming salamat ‘ho! Salamat sa bonus!” lubos ang pagpapasalamat ni Tinong sa intsik.

“Anong salamat? Basahin mo muna Tinong ang laman ng sobre” binasa iyon ni Tinong at biglang gumuho ang kanyang mundo.

“Bakit?! Bakit n’yo ako papakawalan? Naging isang masipag akong empleyado at matagal na akong nagtatrabaho dito. Ni kailan ay hindi ako ako nagreklamo kahit na binabawasan ninyo ang aking sweldo.” Nanggagaliti si Tinong.

“Anong bawas sa sweldo? Kahit kailan ay hindi ko binawasan ang iyong sweldo!” sinugod ng kamao ni Tinong ang intsik at natamaan ito sa ilong at dumugo.

“Palayasin ninyo iyan! Ayaw ko na iyang makita dito! Dali! Dali!” nagsisisigaw si Tinong nang siya ay buhatin palabas ng mga kapwa niya trabahador.

Nagpupuyos man ang loob ay napilitan si Tinong na tanggapin ang nangyari. Mayaman si Mr. Ching, makapit. Siya ay hamak na mahirap lamang, ni hindi marunong magbasa.

Nagpagala-gala si Tinong sa buong bayan, hindi alam ang patutunguhan. Sa isang iglap, ang mga pangarap niya para sa kanyang mga anak ay naglahong parang bula. Dapit hapon na. dapat ay umuwi na siya. Pero paano niya ito sasabihin sa kanyang asawa? Nadaanan niya ang isang beerhouse at sa labas niyon ay nakita niya si Mr. Ching nagpapakasasa sa mga magagandang babaeng mababa ang lipad. Nakita niya kung paano nito binigyan ng tig-iisang libo ang mga tatlong babae sabay akbay sa mga iyon.

Doon tuluyang naubos ang pasensya ni Tinong. Nagdilim ang kanyang paningin. Hindi na mga tao ang kanyang nakikita kundi mga halimaw, mga halimaw na masahol pa sa mga kinatatakutang aswang. Pinatumba niya ang mga iyon. Inuna niya ang pinakamaitim at pinakamalaki, ginilitan niya ito sa liig at ito’y humandusay sa lupa nangingisay. Marami pang mga halimaw and dumating at pumalibot sa kanya, pinipigilan siya, winawasak ang kanyang pangarap. Lahat sila ay kanyang pinabagsak hanggang sa wala nang naglakas loob na lumapit pa.

Maklipas ang ilang minuto ay pahina ng pahina ang paghinga ni Tinong. Unti-unting nagbalik sa dati ang kanyang paningin at nabitawan niya ang hawak na itak. Nagbalik sa tao ang mga halimaw na kanina ay kabaka niya. At sa kanyang paligid ay nakita niya ang nagkalat na dugo, umaagos hanggang sa ito’y makarating sa kanyang mga paa. Sa kanyang muling pagtingin sa mga halimaw ay naging itong kanyang pamilya. Ang kanyang labing isang anak at ang kanyang asawa nakahandusay sa lupa wala nang hininga at naliligo sa sarili nilang dugo.

“Diyos ko! Diyos ko! Ano ang naggawa ko?! Ano ang naggawa ko?! Diyos ko! Diyos ko!!!” paulit-ulit na sigaw ni Tinong habang tumatakbo palayo sa pulang dagat na kinaroroonan ng kanyang pamilya. Sa kanyang mga hakbang ay nag-iwan siya ng mga bakas na dugo at siya’y pinagtinginan ng mga tao. Sa kanyang kalituhan ay hindi napansin ni Tinong ang mabilis na trak ng sementong parating. Sa ilang segundo lang ay natumba’t nadurog ang kanyang katawan at siya’y nawalan ng buhay.

Wakas.

0 comments: